Pumunta sa nilalaman

Hari

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang hari ay isang maharlikang titulo na ibinibigay sa isang lalaking monarko.[1] Ang isang hari ay isang ganap na monarko kung taglay niya ang walang limitasyong kapangyarihan sa pamahalaan o ganap na soberanya sa isang bansa. Sa makabagong konteksto, maaaring tumukoy ang titulo sa pinuno ng isa sa mga umiiral na monarkiya sa kasalukuyan (maaaring ganap o konstitusyonal).[2][3] Ginagamit ang titulong hari kasabay ng iba pang mga titulo para sa mga monarko: sa Kanluran, emperador, dakilang prinsipe, prinsipe, arkiduke, duke o dakilang duke; at sa mundong Islamiko, malik, sultan, emir, o hakim, bukod sa iba pa.[4]

Maaari ring tumukoy ang salitang hari sa isang konsorteng hari o haring asawa, isang titulong paminsan-minsan ay ibinibigay sa asawa ng isang naghaharing reyna, bagaman mas karaniwan ang titulong konsorteng prinsipe o prinsipeng asawa.

Etimolohiya at gamit

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang salitang Tagalog na "hari" ay marahil hiniram sa Lumang Habanes na haji na nangangahulgang isang pinuno.[5] Ang "hari" sa salitang "bahaghari" na tila hango sa salitang "hari" ay hango sa mga salitang Sanskrito: waha (o vaha) na nanganghulugang "daan" o "ruta" at "hari" na nangangahulugang "araw" o "sinag ng araw".[6] Kaya ang ibig sabihin ng "bahaghari" ay "daan ng araw" imbis na "daan ng hari" o "bahag ng hari".

Ang aktuwal na katawagan sa Sanskito para isang pinuno ay raja na siya ring ginagamit na katawagan sa Tagalog o ibang wika sa Pilipinas para tukuyin ang isang pinuno ng isang monarkiya noong sinaunang panahon tulad ni Raha Humabon. Ang iba pang katawagan na katumbas ng "hari" ay "lakan" at "datu". Bagaman, ginagamit ang ibang katawagan depende sa lugar noong sinaunang Pilipinas. Partikular, ginagamit ang katawagang "sultan" para tukuyin ang mga pinuno sa lugar sa Pilipinas na Muslim tulad ng Sultanato ng Maguindanao.

Bagaman pangkalahatang tumutukoy ang "hari" sa lalaking pinuno, tumutukoy din ito sa babaeng pinuno,[5] na mas popular na tukuyin ngayon bilang reyna, na hango sa salitang Kastila na reina.[7] Isang nyutral na salita ang "hari" na maaring tumukoy din sa ibang kasarian, kaya, maaaring gamitin ang katagang "naghaharing reyna".

Sa metaporika o idiyomatikong gamit, maaaring ilarawan ang "hari" sa isang lalaking pinakamagaling, pinakadominante, o pinakamaimpluwensiya sa isang partikular ng larangan.[8] Halimbawa, si Dolphy ay itinuturing na Hari ng Komedya[9] at si Francis M. naman ay itinuturing Hari ng Rap.[10]

Ang katawagang naghahari-harian ay tumutukoy sa isang indibiduwal na namamayani sa isang pamayanan o lugar na hindi naman literal na hari. Kasingkahulugan ito ng maton o siga.

Mga kasalukuyang hari

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa kasalukuyan (noong 2023), kinikilala ang labingwalong hari bilang mga pinuno ng estado ng mga nagsasariling bansa. Karamihan sa mga haring ito ay nagsisilbing mga pinuno ng estado sa ilalim ng mga monarkiyang konstitusyonal. Gayunman, kabilang sa mga namumuno sa mga ganap na monarkiya ang Hari ng Saudi Arabia at ang Hari ng Eswatini.[11][12]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. ↑ "king, n. meanings, etymology and more | Oxford English Dictionary". www.oed.com (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2025-06-19. Nakuha noong 2026-06-25.
  2. ↑ Bogdanor, Vernon (1995). The Monarchy and the Constitution (sa wikang Ingles). Clarendon Press. ISBN 978-0-19-829334-7.
  3. ↑ Kimizuka, Naotaka (Hulyo 2024). Constitutional Monarchy of the Twenty-First Century (sa wikang Ingles). Springer. ISBN 978-981-97-4327-8.
  4. ↑ Pine, L.G. (1992). Titles: How the King became His Majesty (sa wikang Ingles). New York: Barnes & Noble. p. 86. ISBN 978-1-56619-085-5.
  5. 1 2 Philippine Studies (sa wikang Ingles). Ateneo de Manila University Press. 1960.
  6. ↑ Asian Studies (sa wikang Ingles). Institute of Asian Studies, University of the Philippines. 1968.
  7. ↑ "Reyna... Ano ang walkout queen sa Tagalog?". TAGALOG LANG (sa wikang Ingles). 2026-01-06. Nakuha noong 2026-06-27.
  8. ↑ "KING - Meaning & Translations | Collins English Dictionary". www.collinsdictionary.com (sa wikang Ingles). 2026-05-19. Nakuha noong 2026-06-27.
  9. ↑ "Hari ng komedya Dolphy, mayroon nang smartphone app". GMA News Online (sa wikang Ingles). 2013-12-11. Nakuha noong 2026-06-27.
  10. ↑ Mendoza, Ralph (2024-09-27). "Anak ni Francis M., nag-react sa girian kung sino 'King of Pinoy Rap'". Balita. Nakuha noong 2026-06-27.[patay na link]
  11. ↑ "Saudi Arabia: Country Profile" (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-01-23. Nakuha noong 2025-12-10.
  12. ↑ "Africa's Eswatini, one of the last absolute monarchies, holds an election without political parties". Associated Press News (sa wikang Ingles). 29 Setyembre 2023.